July 2, 2024

LALAKI PATAY MATAPOS SAGIPIN ANG KAPATID NA NA-TRAP SA KWEBA

LAPU-LAPU CITY, Cebu – Patay ang isang 28-anyos na lalaki matapos niyang tangkaing sagipin ang kanyang nakakabatang kapatid na babae matapos matrap sa loob ng Tubang Cave and Spring sa Barangay Danicop, Antequera, Bohol noong Biyernes ng gabi.

Ito ang kinumpirma ni Antequera Councilor ‘Sniper’ Johnny Coquilla sa isang panayam ng DYSS Super Radyo GMA.

Ayon kay Coquilla, dakong alas-6:00 ng gabi nang magkakakayaan ang kanyang tatlong Arnis player, isang 18-anyos na lalaki, isang 16-anyos na lalaki at isang 15-anyos na babae, na malaligo sa nasabing bukal na walang permiso sa kanya.

Habang naliligo, naglibot pa ito sa loob ng kweba ngunit bigla na lamang tumaas ang tubig kaya na-trap ang mga ito. Dagdag pa rito, nalaglag din sa tubig ang kanilang submersible flashlight,

Bandang alas-8 ng gabi, nagawang makalangoy palabas ng kweba ang dalawang kasama ng babae.

Dahil naiwan pa sa loob ng kweba ang kapatid na babae ay nagdesisyon ang kuya nitong pumasok sa kweba at sagipin ito.

Sa kabila nito, nahirapan pa ring makalangoy palabas ng kweba ang babae kung kaya’t lumangoy na lamang ito pabalik sa kweba.

Sa kasamaang palad ay naiwan sa ilalim ng tubig ang biktima na kalaunan ay nalunod at namatay. Nasagip ng rescue team ang babae.