November 24, 2024

LALAKI NAMATAY DAHIL SA SINOVAC?

NILINAW ng Department of Health (DOH) na kailangan pang imbestigahan ang pagkamatay ng isang lalaki sa Hong Kong makaraang maturukan ng COVID-19 vaccine na gawa ng kompanyang Sinovac.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, maaga pa para masabi na bakuna nga ng Chinese company ang nasa likod ng pagkamatay ng lalaki.

“At present we have no reason to believe that this death was in any way associated with the vaccine. The Hong Kong authorities will investigate the death,” ani Vergeire.

Batay sa ulat, isang 63-anyos sa lalaki ang binawian ng buhay sa Queen Elizabeth Hospital. Bago nito, nakaranas daw siya ng hirap sa paghinga.

Noong Biyernes, natanggap umano ng lalaki ang kanyang unang dose ng coronavirus vaccine.

Walang binanggit na vaccine brand ang Centre for Health Protection ng estado, bagamat COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac pa lang ang ginagamit ng Hong Kong.

Una nang sinabi ni Dr. Leung Chi-Chiu, infectious disease expert, na imposibleng dahil sa bakuna kaya namatay ang lalaki.

Ayon naman kay Usec. Vergeire, may responsibilidad ang Chinese company na ipaalam sa World Health Organization ang impormasyon sakaling mapatunayan na bakuna nga ang nasa likod ng pagkamatay.

“If they find an association with the vaccine then they will issue an alert to WHO and share it with other countries.”

“Every death is a tragedy for the families involved, but among the elderly and people with chronic conditions there are deaths every week.”

Tumanggap ng 600,000 doses ng Sinovac vaccine na CoronaVac ang Pilipinas noong Linggo bilang donasyon gn China.

Agad rumolyo ang pamamahagi nito sa healthcare workers ng iba’t-ibang ospital nitong Lunes.

Batay sa huling datos ng DOH, 20 insidente ng adverse events following immunization o side effect ang naitala mula sa pagbabakuna noong Lunes, pero lahat ng ito ay mild. Lahat ng nakaranas ay nakauwi raw ng ligtas at patuloy na mino-monitor ng ahensya.