June 23, 2025

Lalaki na wanted sa rape, tiklo sa Malabon

NADAKIP ng pulisya ang 45-anyos na lalaki na wanted sa kaso ng panggagahasa sa Navotas City nang matunton sa kanyang pinagtataguang lugar sa Lungsod ng Malabon.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon sina Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na  namataan sa lungsod ang puganteng si alyas “Nilo” kaya agad niyang iniutoa sa mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ang pagtugis sa akusado.

Nang salakayin ng mga tauhan ng WSS ang tinutuluyang bahay ng akusado sa Sacrista St. Brgy San Agustin ay hindi siya natagpuan hanggang matiyempuhan siya dakong alas-11 ng umaga sa Luna II St. sa nasabi ring barangay.

Binitbit ng mga tauhan ng WSS si alyas Nilo sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Navotas City Family Court Branch 9 noong Mayo 27, 2025 para sa kasong dalawang bilang ng panggagahasa na walang piyansang inirekomenda.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility ng Malabon Police Station habang hinihintay pa ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail.