June 21, 2024

LALAKI NA WANTED SA RAPE ARESTADO SA VALENZUELA

SHOOT sa selda ang 23-anyos na lalaki na inireklamo sa kasong panghahalay matapos matunton ng pulisya sa kanyang tinutuluyang bahay sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela police officer-in-charge (OIC) P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa tinutuluyang lugar ng akusadong si alyas “Boy Manyakol” kaya agad niyang inatasan ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumuo ng team para dakpin ito.

Kasama ang mga tauhan ng Northern NCR Maritime Police Station, agad nagkasa ng joint manhunt operation ang WSS na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-5:10 ng hapon sa kanyang tinutuluyan sa Acacia St. Meyland Phase 5, Brgy. Lingunan.

Ani Col. Cayaban, hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inilabas ni Valenzula Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Mateo B. Altarejos ng Branch 16 na may petsang Hunyo 6, 2024 para sa mga kasong Rape, Rape with Sexual Assault, Acts of Lasciviousness at paglabag sa R.A. 7610 o Child Abuse.

Nabatid na itinuturing ng pulisya ang akusado bilang “Most Wanted Person” sa Lungsod ng Valenzuela bunga ng mga kinakaharap na kasong may kaugnayan sa panghahalay at iba pang uri ng kalaswaang ginawa sa kanyang menor-de-edad na biktima.

Pansamantalang nakapiit sa detention facility unit ng Valenzuela Police Station ang akusado habang hinihintay ang paglalabas ng commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.