NASUKOL ng mga aworidad ang isang lalaki na pumatay umano sa kanyang kapitbahay na senior citizen sa Valenzuela City matapos matunton sa kanyang pinagtataguang lugar sa Bicol, sa tulong ng kanyang pamilya.
Iprinisinta ni Valenzuela City Mayor WES Gatchalian at ni City Chief of Police P/Col. Nixon Cayaban sa mga mamamahayag ang suspek na si Michael Cisena, alyas “Apple”, 42, ng M.S. Bernardo Compound, Brgy., Palasan na nahaharap sa kasong Murder.
Ayon kay Col. Cayaban, naganap ang insidente ng pagpatay sa biktimang si Atilano Tria, 68, byudo, noong August 6, 2024 sa tindahan ng nasawi sa naturang lugar.
Sa ‘Extra Judicial Statement’ ni Cisena, sinamahan niya ang kanyang menor-de-edad na anak na babae na bumili sa tindahan ng biktima subalit. nakita niya na hinahawakan umano ng matanda ang kamay ng anak na tila binabastos habang nagsasabi ng malalaswang salita.
Bumalik ang suspek at pinasok ang bahay ng biktima saka nagtago sa loob ng banyo at nang makita nito si Tria ay hinataw niya ng bote sa ulo dahilan upang sumalampak umano sa sahig ang matanda.
Gayunman, nagawa siyang masaksak ng biktima sa binti gamit ang basag na bote kaya nagpambuno sila hanggang maagaw ng suspek ang basag na bote na ginamit umano niya para pagsasaksakin ang matanda na ikinamatay nito saka niya pinatungan ang katawan nito ng lalagyan ng bigas at kahon ng softdrinks.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Polo Sub-Station (SS5) sa pangunguna ni P/Capt. Robin Santos at Station Investigation Unit (SIU) sa pangunguna ni P/Capt. Armando Delima, sinabi sa kanila ng asawa at anak ng suspek na inamin nito na siya ang nakapatay sa biktima kaya naman hinikayat nila ang pamilya nito na kusang isuko na lamang si Cisena.
Pumayag naman umano ang pamilya ng suspek at hiniling ng mga ito kay Col. Cayaban na tulungan sila para sa pagsuko ni Ciena kaya agad nagtungo ang team ng SIU at DMU sa pangunguna ni P/Cpt. Michael Oxina at Capt. Delima sa Brgy., Pinalabak, Pili, Camarines Sur kung saan nadakip ang suspek.
Pinuri naman ni Mayor WES si Col. Cayaban at kanyang mga tauhan sa kanilang pagsisikap para agad na maresolba ang naturang kaso habang nangako naman ng tulong ang alkalde sa pamilya ng biktima.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA