January 24, 2025

LALAKI NA NAHULING UMEEBAK SA MANILA BAY, SINABON NI USEC BENNY ANTIPORDA

UMINIT ang ulo ng mga opisyal at tauhan ng Department of Environment and Natural Resources matapos maaktuhan ang isang lalaki na dumudumi sa Manila Bay sa Roxas Boulevard sa Maynila habang sila’y nagsasagawa ng clean-up drive.

Sa ipinadalang video sa mga reporter, mapapanood si DENR Undersecretary Benny Antiporda habang kinakastigo ang naturang lalaki na nahuling dumudumi at pinahuli sa mga pulis.

“Hirap na hirap kami kakalinis, tinataehan mo? Bawal ‘yun eh,” galit na sambit ni Antiporda sa naturang lalaki.

Katwiran naman ng naturang lalaki na hindi na niya kinaya kaya naisipan nito ‘maglabas ng loob’ sa Manila Bay.

Sa kabila ng paliwanag, tiniyak ni Usec. Antiporda na maaaresto ang nasabing lalaki kung saan siya mismo ang tatayong complainant.

Una nang naglabas ng saloobin si Antiporda kasunod ng kaliwa’t kanang batikos habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon kabilang na ang paglalagay ng dinurog na dolomite o artificial white sand sa Manila Bay.

Aniya, noong basura at dumi ng tao ang nakatambak doon wala silang nakikitang nagrereklamo pero ngayong pinapaganda ito ay saka naman nagkakaroon ng pambabatikos.

Kanina, pinangunahan ni DENR Usec. Antiporda at Usec. Jonas R. Leones ang clean-up drive bilang paghahanda sa International Coastal Cleanup sa September 19, 2020.

Samantala, ayon sa DENR, dati 50 truck ng basura ang nakakahot araw-araw sa Manila Bay, pero ngayon ito ay nasa dalawa o tatlong truck na lamang ng basura.