June 16, 2025

Lalaki na may granada, huli sa checkpoint sa Caloocan

Naaresto ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station ang isang 45-anyos na lalaki sa ikinasang Oplan Sita dakong alas-2:00 ng madaling araw ngayong Mayo 25, 2025 sa Phase 1, Package 3, Barangay 176-A, Bagong Silang, Caloocan City.

Sa pangunguna ni Police Colonel Paul Jady D. Doles, Chief of Police ng Caloocan City, isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad.

Ayon sa ulat, pinara ng mga operatiba ang suspek dahil sa kawalan ng helmet habang sakay ng puting Kawasaki Fury 115 na may plakang 6126 CS. Sa halip na makipagtulungan, tinangka nitong tumakas nang hingan ng lisensya, dahilan upang agad siyang habulin at dakpin ng mga pulis.

Narekober mula sa suspek ang mga sumusunod na ebidensya.

  • Isang (1) MK2 hand fragmentation grenade
  • Isang (1) diamond glass cutter
  • Isang (1) wire cutter/stripper
  • Isang (1) steel measuring tape
  • Isang (1) long nose pliers
  • Isang (1) flat screw
  • Isang (1) itim na backpack
  • Isang (1) unit ng Kawasaki Fury

Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa suspek, kabilang ang paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (pagtutol at pagsuway sa awtoridad), Republic Act 9516 (illegal possession of explosives), at Batas Pambansa 881 o Omnibus Election Code of the Philippines.

Ayon kay Police Brigadier General Josefino D. Ligan, District Director ng Northern Police District, pinuri niya ang mabilis na aksyon ng Caloocan PNP sa pagpigil sa posibleng mas malalang insidente.

Binigyang-diin naman ni NCRPO Regional Director Police Major General Anthony A. Aberin na ang operasyon ay bahagi ng pagpapatupad ng AAA Strategy ng NCRPO—Able, Active, at Allied—na layong paigtingin ang kakayahan ng kapulisan, magsagawa ng proaktibong operasyon, at patatagin ang ugnayan sa komunidad upang mas epektibong labanan ang krimen sa Metro Manila.