December 25, 2024

Lalaki na bumibiktima sa mga online seller sa Valenzuela, timbog

KULUNGAN ang kinasadlakan ng 27-anyos na lalaking na nagbabayad ng pekeng transaksiyon ng mobile wallet na Gcash sa pagbili ng mga produkto sa mga online seller matapos maaresto sa Valenzuela City.

Pinakahuling nabiktima ng suspek na si alyas “Cabugnao”, residente ng Brgy. Rincon, ang online seller na nagbenta ng dalawang cellular phone sa suspek na nagkakahalaga ng P14,200 kada isa, nitong Enero 4 na babayaran sa pamamagitan ng Gcash.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, ipinadala ng suspek ang screen shot ng Gcash payment niya sa biktima matapos ang kanilang transaksiyon sa pagbili niya ng dalawang cellular phone kaya ipina-deliver ng biktima noong Enero 5 sa isang rider ang produkto sa ibinigay na address sa Brgy. Marulas.

Gayunman, natuklasan ng biktima kinabukasan, Enero 6, na walang pumasok sa kanyang mobile wallet hanggang madiskubre niya na peke ang screen shot ng Gcash payment kaya inireklamo niya ang suspek sa pulisya, kasama ang rider na nag-deliver ng cellphone.

Nang maipakita naman ng rider ang kuha niya sa suspek habang tinatanggap ang produkto ay kaagad tinugis ang suspek ng mga tauhan ng Detective Management Unit (DMU) sa pamumuno ni P/Lt. Ronald Bautista subalit wala na ito sa address na ibinigay niya sa Brgy. Marulas.

Nagtanong-tanong ang mga tauhan ng DMU sa mga kalapit na barangay haggang isang opisyal ng Brgy. Dalandanan ang nakakilala sa suspek dahil may rekord na si Cabugnao sa kanilang lugar, gamit ang kaparehong modus.

Itinuro ng mga opisyal ng Brgy. Dalandanan kina Lt, Bautista ang tirahan ni Cabugnao sa Brgy. Rincon na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya at nabawi ang isa sa dalawang Infinix Zero 30 cellphone na kanyang nakuha sa panggogoyo sa online seller.

Ayon kay PLt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), si Cabugnao ay mahaharap sa kasong Estafa.