NAARESTO ng pulisya ang selosong mister na bumaril at malubhang nakasugat sa kanyang live-in partner sa Navotas City matapos matunton sa kanyang pinagtaguang lugar sa lalawigan ng Cavite, kamakalawa ng gabi.
Tatlong opisyal na kinabibilangan nina P/Capt. Luis Rufo, Jr, hepe ng Intelligence Section, P/Capt. Juanito Arabejo ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) at P/Capt. Gregorio Cueto, Commander ng Sub-Station-3 ang inatasan ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig na magtungo sa Cavite upang dakpin ang suspek na si Rodel Ordonio, nasa hustong edad, na tumakas makaraang barilin ang live-in partner na itinago sa alyas na “Weng”.
Ayon kay Capt. Arabejo, nagkaroon muli ng pagtatalo ang suspek at ka-live-in bunga ng umano’y paulit-ulit na pagseselos ng lalaki hanggang sa marinig ng kanilang mga kapitbahay dakong alas-5 ng madaling araw ang pag-alingawngaw ng putok sa loob ng kanilang tirahan sa 459 Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN).
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas si Ordonio habang isinugod sa Tondo Medical Center ang babae na ngayon ay nasa maayos ng kalagayan matapos magtamo ng tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa katawan.
Nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya sa pinagtaguang lugar ng suspek, kaagad inatasan ni Col Umipig ang kanyang mga opisyal na magtungo sa lalawigan ng Cavite upang makipag-ugnayan sa Police Station ng General Mariano Alvarez (GMA).
Dakong alas-6:30 ng gabi nang tuluyang madakip ng pulisya ang suspek sa kanyang pinagtaguang lugar sa Phase 1 Blk 8, Excess Lot, Brgy. FVR Poblacion 6, GMA, bagama’t hindi nabawi ng pulisya sa kanya ang ginamit na baril. Kasong frustrated murder ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW