March 28, 2025

Lalaki na akusado sa kidnapping, tiklo

ARESTADO ang isang lalaki na wanted sa kaso ng kidnapping sa Lalawigan ng Quezon matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.

Nakatanggap ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ng impormasyon na nagtatago sa Bagong Silang ang 40-anyos na lalaking akusado.

Hindi na nakapalag ang akusado nang arestuhin siya ng mga tauhan ng Caloocan Police Warrant and Subpoena Section sa kanyang tinitirhan sa Phase 5Y, Package 5, Barangay 176, Bagong Silang, dakong alas-12:40 ng hating gabi.

Binitbit ng mga tauhan ni Col. Canals ang akusado sa bisa warrant of arrest para sa two counts of Kidnapping for Ransom at Serious Illegal Detention na inisyu ni Presiding Judge Aristotle M. Reyes, ng Fourth Judicial Region, Branch 15, Lucena City, Quezon, noong February 26, 2025, na walang inirekomendang piyansa.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Caloocan Police Investigation and Detection Management Section-Warrant and Subpoena Section habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitmen order mula sa hukuman.

Binati ni NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan ang hindi natitinag na pangako ng Caloocan police sa pagtugis sa mga wanted persons na nagpapatibay sa dedikasyon nito sa pagtataguyod ng hustisya at pagpapanatili ng peace and order.