April 22, 2025

Lalaki, kulong sa pagyayabang ng baril tuwing malalasing

SWAK sa kulungan ang isang lalaki na palagi umanong nagyayabang ng baril at ipinananakot pa sa tuwing malalasing matapos salakayin ng pulisya ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant sa Valenzuela City.

Sa ulat, nakarating sa kaalaman ng pulisya ang reklamo ng ilang kapitbahay hinggil sa kinaugalian ng suspek na si alyas “Jay-ar”, 23, na palaging nagwawasiwas ng baril sa kanilang lugar sa Brgy. Malinta kapag nalalasing.

Dahil dito, iniutos ni Valenzuela Police chief P/Col Nixon Cayaban na siyasatin kung may katotohanan ang sumbong at nang makumpirma na positibo ang report, nag-apply ng search warrant si P/LT Michael Dela Cruz, Deputy Commander ng Malinta Sub-Station-4, sa korte.

Nang makakuha sila ng kopya ng search warrant na inisyu ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Lilia Mercedes Encarnacion A. Gepty ng Branch 75 para sa paglabag sa R.A 10591, agad sinalakay ng mga tauhan ng SS4 ang bahay ng suspek.

Dakong alas-10:05 ng umaga ng Lunes nang halughugin ng mga tauhan ng SS4 sa bisa ng naturang search warrant ang bahay ni alyas Jay-ar sa 341 Dulong Tangke St. kung saan nakuha sa ilalim ng mesa sa loob ng kanyang silid ang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Pinosasan ng pulisya si alyas Jay-ar na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.