December 23, 2024

Lalaki kulong sa pagbebenta ng baril sa Caloocan

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang lalaki nang pagbentahan ng baril ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Caloocan City.

Pinosasan kaagad ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta si alyas “Otep” residente ng Barangay 176, Bagong Silang nang tanggapin ang markadong salapi sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng kalibre .22 na revolver na may kargang isang bala sa chamber.

Ayon kay Col. Lacuesta, isinagawa ang entrapment operation dakong alas-3 ng madaling araw sa harap ng tirahan ng suspek sa Phase 1 Package 4, Lot 10, Brgy. 176 dakong alas-3 ng madaling araw matapos kumagat sa pain ng pulisya ang suspek.

Nakarating ang impormasyon sa mga tauhan ni Col. Lacuesta ang ginagawang pagbebenta ng armas ng suspek kaya’t halos isang linggo silang nagsagawa ng paniniktik at pagmo-monitor sa kilos ni Otep bago naisagawa ang transaksiyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na isinampa ng pulisya laban sa kanya sa Caloocan City Prosecutor’s Office.