May 15, 2025

Lalaki, kalaboso sa bakal sa Caloocan

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang lalaki matapos damputin ng pulisya dahil sa pagdadala ng hindi lisensiyadong baril habang gumagala sa Caloocan City.

Mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act) at Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code) ang 22-anyos na si alyas “Boy”.

Batay sa ulat, nagpaparolya ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 12 sa Barangay 176-F, Bagong Silang, nang isang concerned citizen ang lumapit at inginuso sa kanila ang hinggil sa isang lalaki na may bitbit na baril habang pagala-gala sa Phase 10A, Package 4.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga pulis at naispatan nila ang naturang lalaki na may bitbit na baril kaya maingat nila itong nilapitan saka sinunggaban dakong alas-3:00 ng madaling araw.

Nakumpiska sa suspek ang isang cal. 38 revolver na kargado ng tatlong bala at nang hanapan siya ng mga kaukulang dokumento hinggil sa legalidad nito ay wala siyang naipakita na dahilan upang bitbitin siya ng mga pulis sa selda.