November 21, 2024

Lalaki itinumba ng riding-in-tandem sa Malabon

HUMANDUSAY ang duguang katawan ng isang lalaki matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si alyas “Gob”, kilala rin sa alyas “Ka Rodel” matapos isugod ng kanyang mga kalugar.

Mabilis namang tumakas ang gunman sakay ng motorsiklong minamaneho ng kasabuwat patungo sa hindi nabatid na lugar, bitbit ang ginamit na hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa ulat nina P/MSgt. Michael Oben at P/SSgt. Bengie Nalogoc kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, habang nakatayo ang biktima sa harapan ng kanyang tinitirhang apartment sa16-F Villarba St. Brgy Tinajeros nang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo dakong alas-8 ng gabi.

Kaagad umanong naglabas ng baril ang angkas at pinagbabaril ang biktima sa katawan na nasaksihan ng 26-anyos na testigo na residente rin sa naturang lugar.

Nakuha sa lugar na pinangharihan ng krimen ng mga tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) ang walong basyo ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at maaresto ang mga ito habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang sa biktima.