November 6, 2024

Lalaki isinelda sa pen gun sa Valenzuela

BINITBIT sa selda ang isang lalaki matapos makuhanan ng pen gun makaraang masita ng mga pulis habang umiihi sa pampublikong lugar sa Valenzuela City, Linggo ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) in relation to Comelec Resolution No. 10918 ang naarestong suspek na kinilala sa alyas “Mel”, 35 ng Brgy. Gen. T De Leon.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Salvador Destura Jr na habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Sub-Station 4 sa kanilang nasasakupang lugar nang mapansin nila ang suspek na umiihi sa pampublikong lugar sa H&S Embroidery Inc sa No. 8-A Rincon St., Brgy. Malinta dakong alas-10:35 ng gabi.

Nang lapitan nila ito para isyuhan ng ordinace violation receipt (OVR), nakita ng mga pulis ang isang improvised firearm na nakasukbit sa baywang ng suspek kaya kaagad nila itong inaresto.

Nang hanapan siya ng mga pulis ng kaukulang mga dukomento hinggil sa legalidad ng nakumpiska sa kanya na isang pen gun na kargado ng isang bala ng cal. 9mm ay walang naipakita ang suspek. (JUVY LUCERO)