June 9, 2025

Lalaki, Binugbog at Ninakawan ng Ka-inuman sa Cainta; 2 Suspek, Naaresto

Inaresto ng mga operatiba ng Cainta Municipal Police Station ang dalawang indibidwal matapos bugbugin at pagnakawan ang kanilang ka-inuman sa Karangalan Village, Barangay San Isidro, Cainta, Rizal, dakong alas-3:30 ng madaling araw noong Hunyo 7, 2025.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima na si Mark, 32 anyos, ay nakipag-inuman kina Alias “Jensie” at Alias “Rain” sa gabi ng Hunyo 6, 2025. Matapos ang kanilang inuman, nagtungo ang biktima sa tindahan upang bumili ng sigarilyo, ngunit sinundan siya ng mga suspek. Dito umano siya pinagtulungang bugbugin at tinangayan ng sling bag na naglalaman ng halagang ₱10,000 at isang Realme Note 60 cellphone na tinatayang nagkakahalaga ng ₱15,000.

Kaagad na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente, habang nagsadya naman sa barangay ang biktima upang humingi ng tulong.

Sa isinagawang follow-up operation na pinangunahan ni PMSg Roderick B. Paguirigan, kasama ang mga Barangay Public Safety Officers (BPSO) na sina Emiliano T. Tallud, Jonathan D. Nedira, at Domingo G. Arciaga Jr., matagumpay na naaresto ang suspek na si Alias “Jensie”. Ngunit sa gitna ng operasyon ay nanlaban umano ang mga suspek at sinaktan si PMSg Paguirigan, na nagtamo ng pinsala.

Samantala, si Alias “Rain” ay nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad. Isa pang suspek na si Alias “Letlet”, 34 anyos, live-in partner ni Jensie, ay inaresto rin at dinala sa himpilan ng pulisya.

Ang mga naarestong suspek ay dinala sa Cainta Municipal Hospital para sa medikal na pagsusuri, alinsunod sa Seksyon 12 ng Republic Act No. 9745 o Anti-Torture Act of 2009, at ipinasa sa Cainta Municipal Police Station para sa wastong disposisyon.

Kasalukuyang inihahanda ng mga awtoridad ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong kriminal sa pamamagitan ng inquest proceeding sa tanggapan ng Rizal Provincial Prosecutor.