January 24, 2025

LALABAG SA SAFETY PROTOCOLS SA CLARK PAGMUMULTAHIN

CLARK FREEPORT – Dahil sa bago at mahigpit na alituntunin sa lugar, papatawan na ngayon ng mga naangkop na parusa ang mga lababag sa health at safety protocols sa Freeport na ito.



Ito ang nakasaad sa isang memorandum circular na inilabas noong nakaraang linggo ng Clark Development Corporation. Ang memo ay nagbabalangkas ng bagong patakaran para maiwasan ang COVID-19 sa pampublikong lugar sa Freeport.

Bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng mga pampublikong lugar sa Freeport, sinabi ng state-owned corporation na pinili nilang bumuo ng mga bagong patakaran upang mabisang ipatupad ang health at safety protocols ng Inter Agency Task Force for Emerging Infectious Disease (IATF-EID) sa sona.

Sa ilalim ng bagong itinakdang mga protocol, kinakailangan ng lahat na palaging magsuot ng face mask sa lahat ng oras sa pampublikong lugar sa Freeport. Maari lamang tanggalin pansamantala ang face mask kung kakain o iinom na may anim na talampakan ang distansiya sa pagitan ng mga indibidwal.

Sinabi rin ng CDC na papayagan ang groupings sa communal spaces sa kondisyon na tanging magkakasama lamang sa bahay ang puwede sa grupo. Bukod pa rito, kailangan din nilang magsuot ng facemasks at panatilihin ang distansiya sa sampung metro mula sa ibang mga tao o grupo bukod sa kanila.

Pagmumultahin ang sinumang mahuhuli na lalabag sa nasabing protocol: P300 para sa unang offense, P500 sa pangalawang offense at P1,000 sa .pangatlo at sa mga susunod pang pagkakasala.

Ilalagay din ang mga tauhan ng Public Safety Division (PSD) ng CDC sa lahat ng parke at iba pang lugar upang matiyak na sumusunod sa health at safety regulations ang mga bisita, panauhin, at mga stakeholders.