December 20, 2024

Lahat ng pulis na nakatalaga sa Navotas Police SS4, sinibak ng NPD

INAPROBAHAN ni Northern Police District (NPD) District Director P/ BGen. Rizalito Gapas ang pagsibak sa lahat ng mga pulis na nakatalaga sa Navotas Police Sub-Station 4 kung saan nakatalaga ang anim na pulis na sangkot sa pagpatay sa 17-anyos na binatilyo sa Navotas City.

Ang pagsibak sa lahat ng pulis sa naturang Sub-Station ay batay na rin sa rekomendasyon ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, maliban na lamang sa mga personnel na nakatalaga sa mahahalagang gawaing pang-administratibo, upang isailalim sila sa muling pagsasanay at pagbalik kaalaman sa mga kursong kanilang pinag-aralan.

Ayon kay NPD Public Information Office head P/Lt. Col. Concepcion Salas, ang naturang inisyatiba ay dinisenyo upang palakasin ang kaalaman sa police operational procedure o ang rules of engagement ng mga pulis kasabay ng pangangalaga sa mataas na kaalaman sa prinsipyo ng karapatang pantao.

Layunin din nito na muling maibalik ang tiwala ng mga residente sa komunidad na nasasakupan ng police sub-station na ngayon ay nananatiling nabubuhay sa pangamba sa mga pulis dahil sa nagawang kamalian ng anim na tauhan.

Sinang-ayunan naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang naging aksiyon ng NPD sa paniwalang mahalaga ang magkakasamang diskarte na nakatuon sa komunidad.

Kaugnay nito, dumating na sa bansa ang ina ng biktimang si Jemboy Baltazar na si Rodaliza Baltazar mula sa Qatar, matapos tuparin ng Department of Migrant Worker (DMW) ang pangakong tutulungan siyang makauwi ng bansa upang masilayan sa huling sandali ang bunsong anak.

Dakong alas-10:35 ng umaga nang lumapag ang sinakyang eroplano ng ginang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kung saan siya sinalubong ng mga opisyal ng DMW upang alamin ang iba pang tulong na kanyang kailangan.

Nauna ng inihayag ni Usec. Hans Leo Cacdac ng DMW Welfare and Foreign Employment na sasagutin na nila ang lahat ng gastusin para lamang makauwi sa bansa si Gng. Rodaliza, bukod pa sa pangakong P100,000.00 na financial assistance.

Samantala, inaalam na rin ng Internal Affairs Service (IAS) ng PNP ang impormasyon na isa sa anim na pulis ay nauna ng inirekomendang masibak sa tungkulin dahil sa kasong grave misconduct subalit nakabalik muli sa tungkulin.