November 6, 2024

LAHAT NG MANGGAGAWA NA APEKTADO NG ECQ, MAKAKATANGGAP NG AYUDA

TINIYAK ni Presidential spokesman Harry Roque na makakatanggap ng tulong pinansiyal ang mga manggagawa na apektado sa isang linggong pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa NCR Plus bubble.

Ayon kay Roque, isinasapinal na ngayon ng pamahalaan ang pagkukunan ng mga pondo at guidelines para sa ipamamahagi na cash aid.

Sa Lunes po, nag-commit po ang economic team na unang-una malalaman na kung saan kukunin ang assistance, kung magkano ang assistance, at kung ano iyong pamamaraan para madistribute ito,” paliwanag ni Roque.

“Well gaya ng aking sinabi po ‘no, bumalik po tayo sa ECQ dahil masyado pong mataas ang numero ng mga nagkakasakit. At habang tayo po ay nananatili sa ating mga tahanan, inaasahan natin na babagal nga po iyong mga pagkalat ng sakit and at the same time naintindihan natin na kapag hindi natin pinagtrabaho ang lahat, kinakailangan magbigay po ng tulong. So handa naman pong magbigay ng assistance o tulong ang ating gobyerno,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

At dahil lockdown, mahirap aniya na mamigay ng tulong kahit pa isang linggo lang naman ito.

“Pero ang target po natin, hindi rin naman po matatapos ang buwan ng Abril eh makakarating iyong tulong na ibibigay ng gobyerno sa mga nangangailangan,” anito.

Ang pakiusap naman ni Sec. Roque ay sana ang mga hindi lang nakapagtrabaho ang kumuha ng financial aid dahil iyon naman aniya ang intensyon ng pamahalaan ang makapagbigay ayuda sa mga hindi nakapagtrabaho.

“Well, ‘assistance’ po ang tinatawag natin ngayon diyan. There will be assistance given, but it will be given to individuals na hindi po nakapagtrabaho during this one week ECQ,” aniya pa rin.