June 21, 2025

‘LAGAYAN’ SCHEME SA AIRPORT POLICE DEPARTMENT IIMBESTIGAHAN – GM INES

MIAA GM Eric Ines tiniyak ang masusing imbestigasyon sa umano’y lagayan sa airport taxi access. (ARSENIO TAN)

Nangako si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Jose Ines ng isang masusing at patas na imbestigasyon kaugnay ng umano’y “lagayan” scheme ng ilang miyembro ng Airport Police Department (APD) kapalit ng ilegal na pasok ng mga taxi sa pickup area ng paliparan.

Ayon kay Ines, lima sa mga tauhan ng APD ang iniulat na tumatanggap ng bayad mula sa taxi drivers kapalit ng hindi awtorisadong access sa mga terminal pickup zones—isang malinaw na paglabag sa patakaran at tiwala ng publiko.

“Agad naming sinuspinde ang limang tauhan habang isinasagawa ang administratibong imbestigasyon,” ani Ines, kasabay ng pagtalima sa direktiba ni DOTr Secretary Vince Dizon na linisin ang transportasyon sa lahat ng uri ng katiwalian.

Tiniyak ni Ines na ang imbestigasyon ay isasagawa nang bukas, patas, at ayon sa due process. Binuo na ng MIAA ang isang Investigating Committee sa ilalim ng Intelligence and Investigation Division (IID) upang mangalap ng ebidensya, magsagawa ng panayam, at magsumite ng pormal na rekomendasyon laban sa sangkot.

“Hindi natin palalagpasin ang mga ganitong pag-abuso sa kapangyarihan. Pero mananatili rin ang tiwala ng MIAA sa maraming tapat at dedikadong miyembro ng APD,” dagdag ni Ines.

Bukod sa alegasyon ng lagayan, iniimbestigahan din ng MIAA ang ulat na may mga taxi driver na pinagbibigyan ng kaduda-dudang traffic violations umano ng APD. Nakikipag-ugnayan na ang MIAA sa Land Transportation Office (LTO) upang tukuyin kung lehitimo ang mga nasabing ticket o bahagi rin ng anomalya.

“Layunin nating malaman kung ginagamit ang mga violation ticket para mangikil. Kung mapatunayang may sala, mananagot ang mga tauhan sa ilalim ng Civil Service rules—maaaring patawan ng multa o tanggalin sa serbisyo,” ani Ines.

Bilang bahagi ng reporma, magpapatupad ng mas mahigpit na internal policies ang MIAA upang siguruhing integridad at pananagutan sa kanilang hanay.

Ang insidenteng ito ay nagsisilbing paalala na hindi titigil ang pamahalaan sa paglilinis ng mga tanggapan—lalo na sa mga lugar kung saan ang tiwala ng publiko ay napakahalaga. (ARSENIO TAN)