April 15, 2025

LADY BROADCASTER ARESTADO SA ENTRAPMENT DAHIL SA ‘KOTONG’

Nahuyo ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng broadcaster makaraang tumanggap ng malaking halaga  umano sa isang incumbent city councilor ng Valencia City kapalit ng pagtigil sa tuluy-tuloy na batikos sa radyo.

Kinilala ang suspek na si Liezel Aniñon Banga, isang broadcast journalist at radio program host sa lokal na himpilan sa Valencia City. Nahuli siya sa aktong tinatanggap ang halagang P350,000 sa ikinasang entrapment operation ng NBI-Regional Office 10 at Bukidnon Provincial Police Office sa Barangay Lumbo.

Ayon sa imbestigasyon, si Banga ay humingi ng malaking halaga kay City Councilor Guillermo De Asis, na tumatakbo ngayon bilang bise alkalde ng lungsod. Kapalit umano nito ang pagtigil ni Banga sa tuluy-tuloy na pambabatikos kay De Asis sa kanyang radio program. Ilan sa mga paratang ni Banga ay ang umano’y pagiging inutil ni De Asis bilang konsehal, madalas na pagliban sa mga sesyon ng city council, at diumano’y katiwalian sa pondo ng lokal na pamahalaan.

Sa pahayag ni De Asis, inamin umano ni Banga na bayad siya ng mga kalaban nito sa pulitika upang siraan siya sa ere, ngunit nangakong titigil kung makakakuha ng mas malaking halaga mula kay De Asis mismo. Nahaharap ngayon si Banga sa kasong extortion at pansamantalang nakakulong habang hinihintay ang pormal na pagsasampa ng kaso. (BG)