BAWAL na muli ang paglabas-pasok at mass gatherings sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil sa patuloy na pagsirit ng kaso ng COVID-19 lalo na sa capital region.
Epektibo ito mula Marso 22 hanggang Abril 4, maliban kung babawiin o palalawigin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaprubahan ng Pangulo ang bagong restriksiyon na inirekomenda ng coronavirus task force ng pamahalaan, ayon kay Presidential Spokeperson Harry Roque ngayong Linggo, Marso 21.
Ginawa ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang naturang panukala sa pamamagitan ng Resolution No. 104 na may petsa na Sabado, Marso 20, subalit inilabas sa publiko ngayong araw.
Sa inaprubahang IATF Resolution No. 104, isinailalim ni Duterte sa general community quarantine ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, ang ikalawa sa pinakamababa na quarantine classification ng pamahalaan ng Pilipinas.
Wala namang nakasaad kung anong eksaktong oras ipatutupad ang panibagong guidelines, pero kalimitan ipinapatupad ng pulisya ang bagong quarantine rules tuwing hating-gabi.
Kabilang pa sa pinakabagong resolusyon ng IATF, isang linggo bago ang pagsisimula ng Holy Week, ay ang pagbawal muli sa ilang pagtitipon at kabilang dito ang religious gatherings.
Pinapayagan naman ang kasal, binyag at funeral services pero limitado lamang sa 10 katao.
Bawal ang pagdaldal at pagkain sa loob ng sasakyan at hangga’t maaari ay iwasan ang sabay-sabay na pagkain sa opisina.
Hinihikayat pa rin ang work from home set up, habang bawal ang face to face meeting.
Tanging outdoor dining ang papayagan sa mga restaurant at tangkilikin kung maaari ang take out at delivery services.
“Hindi po ‘yan hard lockdown, kasi bukas ang ekonomiya. But it is a restriction of movement, kasi iniiwasan natin na kumalat pa yung new variants na nasa Metro Manila at karatig na probinsiya,” ani Roque.
Ang IATF resolution ay sa gitna ng mas paglobo ng kaso ng coronavirus sa bansa kung saan sa ikatlong sunod na araw ngayong March 21, nag-ulat ang Department of Health (DOH) ng mahigit 7,000 bagong kaso ng COVID-19. Dahil dito, sumirit pa sa 663,794 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
More Stories
Andres Bonifacio, Dangal at Bayaning Pilipino
Construction worker, tiklo sa P7.8 milyon shabu sa Caloocan
Kasabay ng pagpapailaw sa Christmas tree… NAVOTAS, BINUKSAN ANG BAZAAR, INILUNSAD ANG LIBRENG WI-FI