January 24, 2025

KURASH SPORT PALALAWIGIN SA BUONG PILIPINAS

Si Ph Kurash president Rolan Llamas( kaliwa) at player/ coach Al Llamas sa TOPS Usapang Sports.

MARUBDOB na ang pagsisikap ng pamunuan ng bagong national sports association na Kurash Sports Federation of the Philippines upang mapalawig at makilala na ito sa buong kapuluan.

“All systems go na tayo para sa  grassroots development ng kurash nationwide. From Baguio sa norte hanggang Bacolod sa timog ay puspusan na ang ating  pag-papakilala at pagtuklas ng talento  kung saan bihasa ang mga Pilipino sa larangan ng martial arts tulad nito  at potensiyal na magbibigay ng karangalan sa bansa sa international competitions sa hinaharap,” pahayag ni KSFP president Rolan Llamas sa kanyang pagbisita sa kada-Huwebes na talakayang TOPS  ‘Usapang Sports’ sa Behrouz Persian Restaurant  na nasa panulukan ng Sct Tobias at Sct. Fernandez Sts. sa Quezon City.

Kasama niya sa pang-umagang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Games and Amusement Board at PAGCOR ang kanyang anak na kurash playing/coach  Al Rolan Llamas na siyang pinaka-abala sa kanilang promotional program mula Luzon, Visayas at Mindanao.

“Naitatag na po namin ang sistema sa Baguio City sa YMCA kamakailan lang at ang daming interesadong martial artists na mapabilang sa ating kurash. Mayroon na ring practice  venue doon dahil ideyal ang lugar para maging training ground,” wika naman ng batang Llamas, kauna-unahang Pinoy kurash athlete na nakapag-uwi ng medalya noong nakaraang Asian Indoor Martial Arts Games at kakatawan pa sa susunod na taong AIMAG sa Thailand. “Mayroon na rin po tayo sa Bacolod City kung saan ay sanib- puwersa ang kurash at judo. Arangkada na rin ang ating sistema sa Gen. Trias sa Cavite at iba pang mga munisipalidad sa bansa para sa paglago ng Kurash Pilipinas”.

Ang larong kurash ay bahaging event rin ng sasambulat na  PSC All Women Martial Arts  Festival kung saan ay magtutunggali ang mga koponang kababaihan  sa – 57 kg, – 63 kg at – 78 kg sa Nobyembre 13 sa judo gym sa Rizal Memorial Sports Complex.

“Kurash sport is a form of upright jacket wrestling native to Uzbekistan,practiced since ancient times.It is played by two athletes,one wearing a green jacket and the other a blue jacket.The objective is to try to  throw one another to the ground.If thrown to the back,victory is declared.Kayang -kaya nating mga Pinoy na mag-excel sa larangang ito like other martial arts of judo and sambo internationally basta nasa komprehensibong programa at suporta ng lahat ng konsernado”, ani pa Pres. Llamas, bemedalled judoka ng bansa noong kanyang prime. Ang national kurash athletes ay nakapag-ambag na ng tig-isang gintong medalya noong 30th Southeast Asian Games Philippines at nakaraang edisyon lang ng SEAG sa Vietnam.