December 20, 2024

Kung ikukumpara noong 2022… PAGDAGSA NG MGA PASAHERO SA NAIA TUMAAS SA 158%

INIHAYAG ng Manila International Airport Authority (MIAA), na nakapagtala ito ng mahigit 10-M na mga pasahero sa unang 3 buwan ng 2023.

Tumaas ng 158% kumpara sa 4.2-M ang volume ng mga pasahero sa unang 3 buwan ng 2022 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals.

Mas mababa ito ng 6% kumpara sa pre-pandemic level na nasa 11.5-M na biyahero ang dumating sa NAIA sa parehong panahon.

Kaugnay nito, nakapagtala rin ang MIAA ng mahigit 67-k flight movement sa unang quarter ng 2023.

Tumaas ito ng 77% kumpara sa mahigit 38k na flight movement sa NAIA terminals noong 2022.

Mas mataas pa rin ito ng 4% kaysa sa mahigit 65-k na bilang ng mga flight sa unang 3 buwan ng 2019.

Ayon kay MIAA General Manager Cesar Chiong, ang dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa NAIA at flights ay muling pagbubukas ng biyahe nito papunta at pabalik ng Hong Kong at China lalo na’t muling pinaluwag ang travel restriction sa leisure travel at business purposes.

“With the reopening of borders in countries such as Hong Kong and China, as well as the easing of travel restrictions, many travelers have regained confidence to fly in and out of the Philippines for both leisure and business purposes,” saad ni Cesar Chiong, General Manager, MIAA.

Nakapagtala rin ang MIAA ng mahigit 23-k na flight noong March 2023 at mahigit 3.7–M pasahero noong Enero 2023.

Ito ang pinakamalaking kabuoang buwanang flight at pasahero matapos ang pandemya. ARSENIO TAN