January 25, 2025

KUNG HINDI MAGBIBITIW SI BOYING, HINDI AKO SUSUKO – BANTAG

Kahit makasuhan ng murder at ilabas ang arrest order sa kanya, matapang na ipinahayag ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag na hindi siya susuko hangga’t nariyan si Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla sa Department of Justice (DOJ).

Una nang hinamon ni Bantag na si Remulla na bumaba sa puwesto bilang DOJ head dahil sa aniya’y wala na umanong kredebilidad ang justice secretary.

 “Kung hindi tumalima si Boying na mag-step down ay hindi ako susuko kung may warrant na ako, matapang na pahayag ni Bantag sa panayam sa CNN Philippines ngayong araw.

“Bakit ako susuko? E di niluto na naman nila,” saad niya.

Tiniyak naman ni Bantag na haharapin niya ang kasong murder na isinampa laban sa kanya sa DOJ.

“Definitely… haharapin ko ito kasama ng aking mga supporters,” saad niya.

Hinala niya na na-frame up lang umano siya sa pagkamatay ni Mabasa ng malalaking sindikato.

“Lahat ng sindikato diyan galit sa akin” aniya.

Ikinuwento pa nito na noong siya ay nasa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ay may mga sindikato sa Caloocan City Jail ang nag-utos na patayin ang tatlong inmates para lang mapatalsik ang warden ng facility.

“Itong si Percy Lapid iisa lang ‘yan. Pero ang sinacrifice nila doon na pinatay sa Caloocan City Jail at that time tatlong tao. Ganoon sila. Kung ayaw sa iyo papatay sila kahit bente katao para matanggal ka lang,” sambit niya.

Sa ngayon ay ayaw pang makausap ni Bantag ang mga miyembro ng pamilya Mabasa.

“Sa proper forum na lang kasi yun din naman ang gusto nila,” dagdag pa niya.

“Naka-program na rin yan dahil kay Boying. Wala na. Hindi na pwedeng kausapin,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Bantag na nakatanggap siya ng impormasyon sa NBI na walang mahanap ang mga mga imbestigador na ebidensiya na mag-uugnay sa kanya sa pagpatay kay Percy.

“Ano ang magagawa mo nga kung ang nag-utos sa iyo mas mataas,” saad niya.

Hindi naman pinangalanan ni Bantag ang pagkakilanlang ng NBI investigator na nagbigay sa kanya ng impormasyon.

“Hindi ko po pwede i-reveal muna yan kasi pwede nila i-deny. Siguro in the proper forum at gustong ilabas yan definitely siguro kung gusto nila itayo yung reputation ng NBI,” saad niya.