January 24, 2025

Kung ‘di magpapakawala ng tubig…. MILYON KATAO, APEKTADO KAPAG NASIRA ANG MAGAT DAM – NIA

SINABI ni National Irrigation Administrator Ricardo Visaya ngayong Lunes, na binuksan ang mga gate ng Magat Dam noong nakaraang linggo sa gitna ng matinding pag-ulan dulot ng Bagyong Ulysses upang maiwasan na masira ang dam at maging sanhi ng mas malaking pinsala.

“Ang laki ng ating reservoir ng Magat [Dam] is about 4,800 hectares. ‘Pag ito ang na-break, lumampas sa spilling level na 193 meters above mean sea level, mag-spill po ‘yan. Masisira po ‘yan at milyon-milyon po na tao ang maaapektuhan,”  saad ni Visaya sa Unang Hirit ng GMA.

Nag-react ang NIA chief matapos isisi sa pagpapakawala ng tubig sa dam ang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela simula noong nakaraang linggo.

Binuksan ang pitong gates ng Magat Dam noong Nobyembre 12 at nagpakawala ng tubig na may volume na katumbas ng 106.223 Olympic-sized swimming ppols, o nasa dalawang swimming pools kada segundo.

“Meron tayo mine-maintain na safety level. It should be below 193 meters above mean sea level. Kung ano dapat ang inflow should also be the outflow,”  saad ni Visaya.

“Ang Magat reservoir natin doon pumupunta ang walong tributaries. Doon sa Ifugao, mga tatlong rivers, atsaka Nueva Vizcaya, lima ‘yan. Hindi natin ma-control ‘yan. Kaya inu-unti-unti natin ‘yung pagpapalabas ng tubig,” sambit pa niya.

“However, noong November 12, hindi nag-landfall ‘yan sa Isabela ang Ulysses, but ang daming tubig na pumapasok sa Magat Dam. So anong gagawin natin diyan? So sinusunod natin ‘yung protocol.”

Sinabi rin ni Visaya bilang protocol, hinintay ng NIA ang advisory mula sa PAGASA bago magpakalawa ng tubig sa dam.

“Hindi kami makapagpalabas without the advice ng PAGASA. Actually, sa mga pre-releases, na-advisan kami ng PAGASA na nasa preemptive stage na at kailangan nang magpakawala,” dagdag niya