December 31, 2024

Kumuha ng police clearance, lalaking wanted arestado sa Malabon

ARESTADO ang isang 35-anyos na lalaki nang matuklasan ng pulisya na may nakabimbin siyang warrant of arrest makaraang magtungo sa police station upang kumuha ng clearance sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan ang inarestong akusado na si Benedict Varela, residente ng Unit 5, 1341 Adarna St. Commonwealth, Batasan, Quezon City.

Ayon kay Col. Tangonan, nagtungo sa Malabon City Police Station si Varela upang kumuha ng police clearance na kakailanganin niya umano sa kanyang pagta-trabaho bilang supervisor.

Nang makumpleto ang application form sa pagkuha ng police clearance, sinuri kaagad ito ni P/Cpl. Ruel Gil Quejada ng Clearance Section sa pamamagitan ng National Police Clearance System at dito na natuklasan na may nakabimbin siyang warrant of arrest.

Kaagad iniutos ni Col. Tangonan kay Quejada na makipag-ugnayan sa Warrant and Subpoena Section (WSS) na nagpatunay na may inilabas na warrant of arrest si Pasig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Annielyn B. Medes-Cabelis ng Branch 167 laban kay Varela noong Hulyo 11, 2022 para sa kasong tatlong bilang na qualified theft.

Dahil dito, kaagad isinilbi ni P/SSgt. Ernel Tanghal ng WSS ang arrest warrant laban kay Varela sa loob mismo ng headquarters ng Malabon Police Station na nagresulta sa kanyang pagkakadakip dakong alas-5 ng hapon. (JUVY LUCERO)