HINIMOK ni Senator Risa Hontiveros ang gobyerno na pangalagaan ang kapakanan ng mga biktima ng umano’y kulto sa Socorro, Surigao del Norte.
Ito’t matapos kanselahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kasunduan nito sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na pinayagang manirahan ang mga miyembro nito sa Sitio Kapihan sa nabanggit na lugar.
“Dapat magtulong-tulong ang ating mga ahensiya, kasama ang lokal na pamahalaan ng Socorro at Surigao del Norte, para mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan ng Kapihan,” ayon kay Hontiveros.
“Mga biktima din sila ng kahirapan na napilitang kumapit sa mga pangako’t panloloko ni Senior Agila,” punto pa niya.
Tinukoy ni Hontiveros si SBSI president Jey Rence Quilario alyas Senior Agila, na sangkot umano sa rape, sexual abuse, force labor at puwersahang pagpapakasal sa mga menor de edad na nasa loob ng SBSI.
Sinampahan na rin ng Department of Justice (DOJ) ng kasong qualified trafficking in persons, facilitation of child marriage, solemnization of child marriage at child abuse si Quilario at iba pang kasabwat nito.
Iginiit ni Hontiveros na dapat tiyakin ng estado na bawat miyembro ng Sitio Kapihan na mamuhay ng may dignidad.
Nanawagan din siya sa mga miyembro ng SBSI na makipagtulungan sa mga awtoridad.
“We only wish for them to live in safety, freedom, and genuine peace,” ayon kay Hontiveros.
Nakabase ang SBSI – isang organisasyon na may 3,560 miyembro kabilang ang 1,587 bata – sa bantay-sarado na kabundukan sa Sitio Kapihan sa bayan ng Soccoro. Makailang ulit itinanggi ng mga opisyal nito ang alegasyon laban sa naturang organisasyon.
More Stories
P761K droga, nasamsam sa Caloocan buy bust, 3 tiklo
Leader ng “Melor Robbery Gang” na wanted sa Valenzuela, timbog!
VP Sara tinatakasan P612.5-M confidential fund