January 23, 2025

Kulang sa sigla ang Ikalimang SONA ni Pangulong Duterte

Taun-taon, ang isang pinuno ng bansa o Pangulo ay mag-uulat ng ginawa nito sa bayan. Batid naman natin ‘yan mga Cabalen.

Mahalaga ang pag-uulat na ito upang malaman ng taumbayan ang lagay ng pamumuno ng Pangulo, ang kanyang plano at prayoridad para sa kapakanan ng taumbayan.

Kaya nga, humarap si Pangulong Duterte para sa kanyang Ika-5 State of The Nation Address (SONA) na tumagal ng 1 oras at 40 minuto.

Bukod sa pag-ulat niya sa mga nagawa sa loob ng limang taong kanyang panunungkulan, tila kulang ang pagtalakay niya sa kanyang mga plano at prioridad para sa susunod na isang taon.

Pero, sa nakita natin nung Lunes, mukhang inantok at nakulangan ang taumbayan sa SONA. Katunayan, inantok ang ilan sa mga dumalo rito.

Naiintindahan natin kung medyo matamlay ang Pangulo sa kanyang talumpati. Humaharap kasi tayo ngayon sa COVID-19 pandemya.

Ang totoo, inabangan din ng ibang mamamayan ng ibang bansa, mga negosyante at lider ang talumpati ng Pangulo. Nauunawaan nila ang sitwasyon. Kaya, ang SONA ay hindi pang dito lamang. Kundi, umaabot ito sa ibang panig ng mundo.

Gaya ng ating narinig, mga Cabalen,  parang kulang sa detalye ang talumpati ng Pangulo. Kabilang sa rumehistro sa atin ang planong pagbuhay sa death penalty, pagbanat kay Sen. Drilon at sa ABS-CBN.  Tila wala tayong gaanong narinig na remedyo’t programa sa COVID-19.

Pinahaginan din ng Pangulo ang mga Telcos dahil sa mabagal na serbisyo nito sa internet, pagbibigay pansin sa health care at iba pa.

Binigyang diin din niya ang pagpapaigi ng paglaban sa korapsyon, Sangguniang Kabataan eleksyon, Malasakit Centers, Salary Standardization Law, pagtatatag ng National Academy of Sports, halaga ng Build, Build, Build at tawag-pansin sa mga may-ari ng kompanya ng kuryente at tubig.

Pinahaginan din ng Pangulo ang mga Telcos dahil sa mabagal na serbisyo nito sa internet, pagbibigay pansin sa health care at iba pa.

Hindi na natin pahahabain pa ang pitak na ito, mga Cabalen. Ano ang maibibigay n’yong grado sa Pangulo sa kanyang SONA? Pasado ba o hindi?