May 15, 2025

KOREANONG WANTED SA DROGA, ARESTADO SA MAKATI

Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na pinaghahanap sa kanyang bansa at ng Interpol dahil sa narcotics trafficking, sa isang operasyon sa Makati City.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang dayuhan na si Maeng Juhwan, 29 anyos, na nadakip ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa Jupiter Street, Bel-Air, Makati noong Mayo 3.

Ayon kay Viado, si Juhwan ay isang undesirable at overstaying alien na ang presensya sa bansa ay itinuturing na banta sa seguridad at kapakanan ng publiko. Dagdag pa ng opisyal, agad itong ide-deport pabalik sa South Korea matapos ang pormal na kautusan mula sa BI Board of Commissioners.

“Kapag naipatupad ang deportation, siya ay ilalagay sa blacklist at habambuhay nang pagbabawalan na makapasok muli sa Pilipinas,” pahayag ni Viado.

Samantala, ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, si Juhwan ay may Interpol red notice na inilabas noong Pebrero 13, kung saan nakasaad ang arrest warrant na ipinalabas ng Chuncheon District Court sa South Korea noong Oktubre 25, 2023.

Batay sa ulat, si Juhwan umano ang utak sa smuggling ng Philopon, isang anyo ng methamphetamine na itinuturing na isa sa mga pangunahing ipinagbabawal na droga sa Korea. Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng BI si Juhwan habang inaantay ang pinal na desisyon para sa kanyang summary deportation.