November 2, 2024

KOREANO KABADO KAY PINOY KAI SOTTO

NAGPALAKAS pa ng line- up ang South Korea bilang paghahanda sa karibal na Pilipinas nang mabalitaang  lalaro para sa bansa ang NBA G- league trained na toreng si Kai Sotto.


Pinatindi ng mga singkit pero asintadong kalaban ang kanilang firepower sa outside shooting dahil sa pagkakaroon ng higanteng Pinoy sa paint area at sa board na  siyang pinaghahandaan naman  ng Gilas Pilipinas.


Optimistiko ang  bayang basketbolista kay Kai  na kakayanin niya ang  unang pagsubok sa kanyang kakayahan kontra powerhouse na kalaban sa unang sabak ng  Pilipinas sa window3 ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers sa Qatar.


Kasado na ang debut game ng 7’3″  sentrong si Sotto  para sa Gilas matapos na ianunsiyo ng FIBA ang kabuuang takda ng naturang napakahalagang yugto  na gaganapin sa Al Gharafi  Sports Club Multi-Purpose Hall sa kabisera ng bansa na Doha.


Buwenamanong makakaharap ng  Pilipinas sa third window ng bakbakan ang matalik na karibal sa Asia na South Korea sa  Pebrero 18 ng gabi.


Napakalaking bagay para sa Gilas Pilipinas sa pangunguna ng team skipper na si Kiefer Ravena katuwang ang mga subok nang sina frontliners Troy Rosario, Roger Pogoy, CJ Perez, rising stars  Juan Gomez de Liano, Isaac Go, Dwight Ramos, Justin Baltazar, ang malaking tsansang makalaro na ring bagong naturalized player na si Angelo Kouame at iba pa  ang pagdating sa Gilas ni Sotto na panapat sa mga higanteng Sokors na mamando sa shaded lane.


Ang pangalawang asignatura ng Gilas Pilipinas  ay kontra Indonesia sa Pebrero 20.


Ang ikatlong engkuwentro sa pagitan ng Pilipinas vs South Korea uli ay sa Pebrero  22.


Kailangan lang ng isang panalo ng Pilipinas sa tatlong games  para umabante sa FIBA Asia Cup 2021 na gaganapin sa Indonesia sa pasapit  na  Agosto ng taon.


Dumating sa bansa kamakailan si Sotto upang tuparin ang commitment nito sa Gilas Pilipinas at pansamantalang iniwan ang kanyang koponang Ignites sa G-League ng NBA na babalikan niya matapos ang kanyang  makabayang misyon para sa Gilas Pilipinas.


Go-go Kai Sotto! Kaya n’yo Koreans…

ABANGAN!