
Nasakote ng mga operatiba ng Bureau of Immigration–Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang isang South Korean national na wanted sa South Korea at may red notice mula sa Interpol dahil sa pagkakasangkot sa isang malawakang telecom fraud syndicate.
Kinilala ni FSU Chief Rendel Ryan Sy ang suspek na si Choi Hojun, 36, na naaresto sa kanyang tinitirhang bahay sa Brgy. Sto. Domingo, Angeles City, Pampanga noong Abril 14.
Batay sa mga tala, dumating si Choi sa Pilipinas noong Agosto 15, 2022 at hindi na muling lumabas ng bansa. Inilabas ang red notice ng Interpol noong Abril 2024 matapos ipalabas ang warrant of arrest mula sa district court sa Incheon, Seoul.
Lumilitaw na si Choi ang lider ng isang voice phishing syndicate na sangkot sa iligal na pagkuha ng sensitibong impormasyon sa bangko ng kanilang mga biktima. Tinatayang umabot sa ₩1.73 bilyon o humigit-kumulang ₱70 milyon ang naloko ng kanilang grupo.
Nakatakdang i-deport si Choi mula sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig matapos mailabas ang kanyang summary deportation order. Kasabay nito, blacklisted na rin siya mula sa muling pagpasok sa Pilipinas. (ARSENIO TAN)
More Stories
Akbayan Nangunguna sa Party-List Race ng Halalan 2025
VICO SOTTO, LANDSIDE NA NAMAN SA PASIG (Mahigit 390K na boto, lamang na lamang sa mga katunggali)
GO, AQUINO, DELA ROSA NANGUNGUNA SA SENATORIAL RACE — PARTIAL RESULTS NG COMELEC