NASAKOTE ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Korean-American na wanted sa mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, pasakay na sana si Jason Han Hsu, 37, sa isang Air Asia flight patungong Osaka, Japan noong Hulyo 17 nang harangin at pigilan siyang maakalis ng BI inspectors sa NAIA Terminal 3.
Si Hsu, ay napapailalim sa red notice mula sa Interpol na nag-flash sa computer screen ng BI officer na nagproseso sa kanya sa immigration departure counter.
“Upon confirming that the passenger and the subject of the Interpol notice are one and the same, the immigration supervisors on duty decided to put Hsu under arrest,” saad ni Tansingco.
Nabatid na mula Mayo 2018 hanggang Nobyembre 2019, nagtrabaho umano si Hsu sa isang voice phishing syndicate na nag-o-operate sa China, at tinarget na tawagan ang mga biktima nito sa Korea.
Ang mga biktima ay iniulat na sinabihan na maaari silang humiram ng malaking halaga ng pera sa mababang interes kung ipadadala nila ang halaga ng pera na balak nilang pautangin sa mga itinalagang bank account na pag-aari ni Hsu at ng kanyang mga kasamahan.
Tinatayang mahigit US$1.06 milyon ang kita ng sindikato sa pamamagitan ng nasabing raket.
Bilang resulta ng kanyang nalalapit na deportasyon, si Hsu ay inilagay sa talaan ng BI blacklist ng mga hindi kanais-nais na dayuhan at pagbabawalan na muling pumasok sa Pilipinas.
Si Hsu, na may hawak na US passport, ay dinala sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang mga paglilitis sa deportasyon. (ARSENIO TAN)
More Stories
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan
Sharks Billiards Association inaugural season… TAGUIG STALLIONS ANG KAMPEON