January 23, 2025

KONTROBERSIYAL NA PASIG RIVER EXPRESSWAY, ‘DI NA ITUTULOY – RAMON ANG

HINDI na itutuloy ni San Miguel Corporation (SMC) president and CEO Ramon Ang ang planong P95-bilyon na expressway sa kahabaan ng Pasig River matapos tutulan ng ilang environmental at heritage groups.

“Alam mo, ako ‘yung businessman na kapag nakita ko, ayaw ng kababayan natin ‘yung project, hindi ko itutuloy,” ayon kay Ang.

Ang Pasig River Expressway (PAREX) Project, isang 19.37-kilometrong proyektong kalsada na itatayo sa ibabaw ng Pasig River na magdudugtong sa Maynila, Mandaluyong, Makati, Pasig, Taguig at Taytay. “Sinasabi [ng] maraming tao na ayaw nila ‘yan…. hindi magandang tingnan or whatever. Narinig mo kung tinuloy ko? Hindi na. Kasi very sensitive din kami. Nakikinig kami sa pulso ng bayan.”

Una nang sinabi ni Ang na makakatulong ang PAREX para paluwagin ang matinding trapik sa Metro Manila, pero tinutulan ito ng ilang grupo at indibidwal kung sinasabi na  palalalain lamang ng proyektong ito ang malubha nang trapiko sa lugar, at magdudulot ng pinsala sa ekosistema ng Pasig River at maging sa kalusugan ng mga residenteng naninirahan malapit dito.

Matatandaan na ilang beses nagsagawa ang SMC ng Pasig River clean-up activities bilang paghahanda sa pagpapatayo ng proyekto. Sinabi ni Ang na mahigit sa 1.2 milyong tonelada ng basura ang nahakot sa Pasig River.