December 24, 2024

KONSEHAL ALEX MANGASAR: ‘DI AKO NAGTATAGO

Mariing itinanggi ni Caloocan Councilor Alex Mangsar na nagtatago siya matapos masangkot sa kasong tax evasion noong 2011. Sa katunayan, aniya, ay naglalagi lamang ito sa kanyang opisina. RIC ROLDAN

“Hindi ako nagtatago.”

Iyan ang mariing kasagutan ni Caloocan City 2nd District Councilor Alex Mangasar sa paratang sa kanya na nagtatago makaraang magpalabas ng order ang korte.

Si Mangasar ay napalathalang sinampahan.ng kasong tax evasion taong 2011.

Sa isinagawang press conference, ipinahayag ng naturang konsehal na kanyang haharapin ang isinampang kaso at hindi niya tatalikuran kung siya ay may pananagutan sa batas.

Sa katunayan, aniya, ay palagi lamang siya sa kanyang tanggapan sa Caloocan City Hall at Mangasar Rescue office.

Patuloy din ang kanyang pagbibigay serbisyo at tumutulong sa mga maralitang taga-lungsod ng ikalawang distrito ng Caloocan.

Sa nasabing isyu, nadadawit din umano ang pangalan ni Cong. Egay Erice bilang kaalyado nito sa Team Bughaw dahil sa mainit na politika sa Caloocan kahit na malayo pa ang 2022 national election.

Pahayag pa ni Kon. Mangasar na nakararanas din siya ng panggigipit at bahagi umano ito ng demolition job.

Ngunit ayon sa kanya ay katungkulan ng bawat halal ng mga mamamayan na pangalagaan ang karapatan ng bawat isa kung may katiwalian at korapsyong nagaganap sa kanyang nasasakupan.

Isa sa tinitignang anggulo ng demolition job ay nang kuwestiyunin nito ang umano’y COVID-19 fund ng Caloocan.

Maging ang P320 milyon halaga ng tablet na inilaan para sa mga mag-aaral mula Grade 9-12 sa Caloocan ay lumalabas din aniya na mataas ang halaga subalit mababa ang kalidad.

Dagdag pa ni Kon. Mangasar na kahit ano pang dumating na panggigipit ay hindi siya matitinag para labanan ang katiwalian at korapsyon at bantayan ang pondo ng bayan.

Malaki ang paniniwala ng naturang konsehal na kasama niya ang mga mamamayan sa laban na ito. BOYET BARBA JR/BETH SAMSON