January 23, 2025

‘KONGRESIRKUS’

Ano na nangyayari sa Pilipinas? Nakasusulasok ang ginawang palabas ng mga taong dapat ay pinagpipitagan dahil sa kanilang titulong ‘mambabatas’ at magagara’t iginagalang na kasuotan. Pero, mas masahol pa sila sa ‘petty criminals’ kung mang-isnats at paano mag-agawan sa kapangyarihan— para malaman kung sino ang may kontrol sa kaban ng bayan.

Mistula silang mga disipulos sa elementarya na nabigyan lang ng mas matamis na kendi ay bumalimbing agad upang siguruhin ang pansariling pakinabang.

Napapailing na lang ang korner na ito sa vod-a-vil na palabas ng mga hunyangong sirkero na baligtaran agad sa larangang patunay na temporaryo lang ang kaibigan at kaaway at ang permanente ay ang vested interest at pronta lang ang pagiging kinatawan ng mamamayan at sektor ng lipunan.

Ang saraswela kahapon sa isang sulok ng mamahaling restoran ay tunay na isang sinematikong prosa na malayo sa katotohanang dapat ay sa tunay na HOUSE iniluluklok ang isang Speaker pero ang iskrip ay bakbakan ng paswitikan kung sino ang mas waes ay siya ang bida.

Dineklara nilang bakante ang mataas na puwesto at inihalal (iligal?) na Speaker ng House of Representatives ang kanilang lord. Pero, hindi ito ginawa sa Batasan kundi sa isang pamosong lunan na isang kabalintunaan kung lilimiin

Mistula silang rebolusyunaryong mga Kongresista tulad nung nanumpa si dating Pangulong Cory Aquino kahit nasa Malacanang pa ang nakaupong Presidente Marcos sabay deklara ng revolutionary government and the rest is history at isa ang pangyayaring ito kahapon ay bunga ng ipinangalandakang demokrasya na sinimulan nilang dumisgrasya sa buhay ni Juan.

Mukhang ‘déjà vu’ ang nangyayari ngayon kaya humanda na uli sa pagdrusa ang bayan Kung gayon ay Revolutionary Speaker muna si Cong Lord Velasco sa Club Filipino ayon kay Dodong Dinenggoy. Nadenggoy ng Velasco group ang madla pati ang Pangulo sa salitang gentleman’s agreement o palabra de honor.

Doon nagalit ang Palasyo kay Speaker Cayetano, iyon pala ay si Velasco ang di tutupad sa usapan, dahil Oktubre 12 pa lang ay ikinasa na ang KUDETA.

Sino ang walang maginoong salita sa kanila? Pababayaan kaya ni Pangulong Duterte ang ganitong kagaspangan mula sa mga nakabalatkayong pinong Pilipino?

Huwag munang magdiwang ang mga akala ay panalo na sila.May ibang pangyayari akong nahihinuhang susunod na magaganap kung saan ang mamamayan ang tunay na panalo at hindi bilang talunan na naman…ABANGAN!