January 19, 2025

Komedyante sangkot sa scam? BIKTIMA LANG DIN AKO – RUFA MAE QUINTO

NANINIWALA ang komedyanteng si Rufa Mae Quinto na biktima lang din siya ng umano’y scam na kinasasangkutan ng isang derma clinic na kanyang iniendorso at umaasang makakamit ang hustisya.

Una nang kinumpirma ng abogado ni Rufa Mae na may warrant of arrest ang komedyante na may kinalaman sa kasong isinampa ng mga investors laban sa skin care company na Dermacare.

Humaharap si Rufa Mae sa 14 counts of violation of Section 8 ng Securities Regulation Code na patungkol sa kawalan niya ng karapatan na magbenta ng shares at mangalap ng mamumuhunan sa negosyo.

Sa inilabas na pahayag ng abogado ni Rufa nitong Martes, Disyembre 3, pinabulaanan ng komedyante ang mga kasong ibinibintang sa kaniya.

“I have no connection whatsoever to any fraudulent activity and I categorically deny these baseless accusations. If anything, I am also a victim and I am determined to seek justice,” saad ni Rufa.

“Over the years, I have worked tirelessly to build my career and maintain my untarnished reputation, which is rooted in integrity and dedication,” aniya.

Dagdag pa ng komedyante, “I have always demonstrated professionalism, transparency, and respect for the people and brands I work with.”

Kaya naman nalulungkot daw si Rufa na nadadawit ang kaniyang pangalan sa ganitong klaseng isyu. Gayunman, buo raw ang loob niyang lalabas pa rin ang katotohanan kalaunan.

“I will cooperate fully with the authorities and face this issue through the proper legal forum. Rest assured, I will fight for my name and reputation,” sabi pa niya.

Sa huli, pinasalamatan ni Rufa ang mga nagpaabot sa kaniya ng pagmamahal at suporta sa kabila ng nangyari.