
Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na mag-ugnayan upang gawing mas simple ang senior high school (SHS) at mapaikli ang bilang ng taong kailangang gugulin sa kolehiyo.
Sinabi ni Gatchalian na noong mga deliberasyon sa Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law sa Senado, ipinangako na ang dagdag na taon sa high school ay magdudulot ng mas kaunting taon sa kolehiyo pero hindi ito naisakatuparan.
Pinuna naman ng Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mababang proficiency levels ng mga mag-aaral sa SHS batay sa below-proficient National Achievement Test (NAT) scores para sa Grade 12 noong 2022.
Dagdag pa ni Gatchalian, kinakailangan pang magpatupad ng bridging programs ang mga higher education institutions (HEIs) dahil hindi pa handa ang mga SHS graduates sa kolehiyo. Aniya, isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi nababawasan ang taon sa kolehiyo. Isinusulong ni Gatchalian ang pag-alis sa mga programang ito.
“Pinangako ng buong sistema na ‘pag ipinatupad natin ang K to 12, iiksi ang kolehiyo upang hindi madagdagan ng dalawang taon ang kabuuan ng panahong inilalaan para sa pag-aaral,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
“Mahalagang pag-usapan at pag-isipan ito nang maigi ng DepEd at CHED. Pagsikapan nating mapababa ang bilang ng taon sa kolehiyo upang makapagtapos na agad ang mga mag-aaral at makapagtrabaho na sila agad,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.
More Stories
VICO SOTTO SUSUNOD NA PANGULO (Suportado ni Vic Sotto)
TRILLANES NAIS GAYAHIN SI VICO SOTTO (Para sa pagbabago ng Caloocan)
4 na pulis sugatan sa engkuwentro sa Guinayangan, Quezon