January 19, 2025

KLASE MAGSISIMULA SA AGOSTO 29

Inanunsiyo ngayong araw ng Department of Education (DepEd) na magbubukas ang lahat ng klase sa pampublikong elementarya at sekondarya sa bansa para sa school year 2023-2024 sa Agosto 29.

Sa inilabas na advisory ng ahensiya, nakasaad na alinsunod sa Republic Act No. 11480, maaaring magdesisyon ang mga pribadong paaralan na simulan ang kanilang klase sa anumang petsa mula sa unang Lunes ng Hunyo subalit hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto.

Ginawa ng ahensiya ang naturang anunsiyo sa kabila pa ng panawagan mula sa mga mambabatas, grupo ng mga guro at iba pang stakeholders na muling ibalik ang dating school calendar na ipinatupad bago tumama ang COVID-19 pandemic sa ating bansa.

Ito ay para matugunan ang mga hinaing gaya ng heat exhaustion na nararanasan ng mga estudyante at mga guro tuwing taginit.

Bago kasi tumama ang pandemiya sa bansa, nagbubukas ang klase sa bawat school year sa buwan ng Hunyo at nagtatapos naman sa Marso.

Una naman ng inihayag ng DepEd na kanilang pinag-aaralan ang naturang panukala at inamin na kung sakaling aprubahan ang naturang rekomendasyon, posibleng abutin ng tatlo hanggang limang taon pa bago unti-unting maibalik ang dating school calendar.