November 24, 2024

KINAROROONAN TUKOY NA, BANTAG ‘DI PAPAHULI NG BUHAY


MATAPOS ang tatlong operasyon, tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na tukoy na ng ahensya ang lugar kung saan nagtatago si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na pinaniniwalaang utak sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid noong Oktubre 2022.

Pag-amin ni DOJ spokesman Mico Clavano, hindi magiging madali ang paghuli kay Bantag lalo pa’t dati nang nagpasabi na ang dating BuCor director na hindi siya magpapahuli ng buhay sakaling masukol ng mga operatiba.

Ayon kay Clavano, nagsasagawa ng ibayong pag-iingat ang mga operatiba sa pag-aresto kay Bantag. Isinasaalang-alang din aniya ng pamahalaan ang kaligtasan ang mga pulis na inatasang dakpin ang puganteng heneral na inaasahang manlalaban sa sandaling hainan ng mandamiento de arresto.

“We are aware of his whereabouts. It’s just that alam naman natin na hindi talaga ‘yan papayag na magpahuli ng buhay. Mahirap din na ilagay natin ang law enforcement agents in precarious or a dangerous spot. We hope to do this in the most peaceful manner,” wika ni Clavano.

Nang hingan ng detalye kung saan bahagi ng bansa nagtatago si Bantag, ang tanging sagot ng tagapagsalita ng kagawaran – nasa mala­yong lugar na napapalibutan ng mga alipores.

Buwan ng Abril nang pasukin ng pulisya ang umano’y pinagtataguan ni Bantag sa Baguio City. Subalit wala ang target sa naturang lugar.

Kamakailan lang, ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petition for certiorari na inihain ni Bantag na humirit sa Las Pinas Regional Trial Court ibasura ang kaso at mandamiento de arresto dahil ang Sandiganbayan lamang aniya may saklaw sa mga kasong kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno.

Giit ni Bantag. BuCor chief pa siya nang maganap ang karumal-dumal na pagpatay kay Lapid.