MAKALIPAS ang limang taong pagtatago, nadakip naang isang dating pulis na tinaguriang “killer cop” nang matunton ng pulisya malapit sa kanyang tirahan sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay District Director P/BGen. Rizalito Gapas, naaresto ang 46-anyos na akusadong si Manolito Manantan dakong alas-2:55 ng hapon ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operations Unit (DSOU), District Investigation and Detection Unit (DID) at mga tauhan ng Northern NCR Maritime Station, Regional Maritime Unit (RMU) sa kanto ng Lourdes at Eliza Streets, Brgy. 27, Caloocan City.
Sinabi ni P/Maj Marvin Villanueva ng DSOU na namuno sa isinagawang police operation na kanilang dinakip si Manantan sa bisa ng warrant of arrest na may petsang Abril 27, 2022 na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rosalia I Hipolito-Bunagan ng Branch 232 para sa kasong Homicide sa ilalim ng Article 249 ng Revised Penal Code.
Ayon kay BGen. Gapas, pumasok sa serbisyo noong 2006 ang akusado na natalaga sa Police Regional Office (PRO) 4A o CALABARZON subalit nasibak matapos mag-AWOL (absent without official leave).
Batay sa rekord, sinaksak hanggang sa mapatay ni Manantan si PO2 Joel Samonte noong Enero 8, 2018 matapos silang magkainitan sa burol ng nasawing opisyal ng barangay sa Ususan, Brgy. 28 na nag-ugat sa pagsusugal nila ng pusoy.
Nang matalo umano si Samonte sa sugal, umuwi siya ng bahay nang magkainitan sila ni Manantan at nang bumalik ay may dalang bag na inakala naman ng akusado na may lamang baril kaya’t hinugot ang dalang patalim at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang pulis sa dibdib, leeg at tiyan na sanhi ng kanyang kamatayan.
Ayon kay BGen. Gapas, nakapiit sa detention facility ng NPD ang akusado na may iba pa umanong kinakaharap na asunto habang hinihintay na rin ang paglalabas ng commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail.
More Stories
3 JAPANESE NA MAY ARREST WARRANT, IPINA-DEPORT NG BI
DOST-PCCI innovation hub magpapalakas sa enterprises’ growth
178 PUSLIT NA GAGAMBA NASABAT NG BOC-PORT OF CLARK