October 11, 2024

KERWIN: INUTUSAN NI ‘BATO’ PARA IDIIN SI DE LIMA

ISINALAYSAY ng umano’y drug lord na si Rolan “Kerwin” Espinosa na tinakot siya ni dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa para magsinungaling at idiin si dating Senator Leila de Lima sa illegal na dorga, sa pagpapatuloy ng House quad committee ngayong araw, Oktubre 11.

Base sa affidavit ni Espinosa, isinalaysiya niya kung papaano ginipit ang kanyang pamilya sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nang siya’y bumalik sa Pilipinas matapos maaresto sa Abu Dhabi, United Arab Emirates noong 2016, isa si Dela Rosa sa sumundo sa kanya.

“Isa sa sumundo sa akin ay si [Police] General Bato dela Rosa, kung saan sinabi niya sa akin na idawit ko si Peter Lim sa kalakaran ng droga sa Pilipinas. Pati na din daw si Leila de Lima para madiin. At bago pa man ‘yon, pinilit nila ako na umamin na ako ay may kinalaman sa droga,” saad ni Espinosa.

“Sinabihan ako na isama ang pangalan no’ng mga nasabi ko dahil gusto ko na maligtas ang buhay ko. Ito ay dahil sinabihan ako na pag hindi ako sumunod, baka may mangyaring masama sa akin o baka may mangyaring masama sa pamilya ko,”dagdag pa niya.

Sinabihan din daw siya ni Dela Rosa na aprubado sa nakatataas ang naturang kautusan at aniya na ang ibig-sabihin may alam si Duterte kaugnay sa naturang operasyon. Sinabi rin sa kanya ni Dela Rosa na tumestigo sa Senado at sumunod na lamang sa kanilang utos, kung hindi ay mapapahamak siya.