September 21, 2024

KELOT TODAS SA SUNTOK NG KAPITBAHAY

Nasawi ang isang 42-anyos na lalaki matapos bumagsak sa tulay na kahoy habang nakikipagsuntukan sa kanyang kapitbahay makaraan ang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Hindi umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon ang biktimang si Ruel Asignado, 42 ng 38 C. Arellano St. Brgy. San Agustin habang naaresto naman ng rumespondeng mga tauhan ng Sub-Station 6 ang suspek na kinilalang si Richard Dagumo, 36, helper.

Sa imbestigasyon nina P/SMSgt. Julius Mabasa at P/SSgt. Ernie Baroy, naglalakad pauwi ang biktima dakong 7:50 ng gabi nang aksidente nitong mabangga ang kahoy na dingding ng bahay ng suspek.

Kinompronta ng suspek ang biktima na naging dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo hanggang sa mauwi ang mga ito sa suntukan.

Sa pahayag sa pulisya ng saksing si Ruminda Ibasate, 37, nahulog sa improvised na tulay na kahoy ang biktima makaraang masapul ng suntok ng suspek. Iprinisinta ang suspek sa inquest proceedings para sa kasong homicide sa Malabon City Prosecutor’s Office.