December 27, 2024

Kelot timbog sa P102K shabu sa Valenzuela

Arestado ang isang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PLT Joel Madregalejo, hepe ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang naarestong suspek na si Allan Warde, 39 ng Lawa Meycuayan, Bulacan.

Sa report ni SDEU investigator PCpl Christopher Quiao kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong alas-10:40 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Madregalejo ng buy-bust operation kontra sa suspek sa harap ng covered court sa Garnett St., Brgy. Lawang Bato.

Nagawang makipagtransaksyon ni PCpl Josem Dela Rosa na nagpanggap na poseur-buyer sa suspek ng P8,000 halaga ng droga.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang sa 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P102,000.00, buy-bust money, P440 cash, cellphone at Marlboro cigarette pack.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JUVY LUCERO)