January 23, 2025

Kelot nasita sa ordinansa, huli sa boga

SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos mabisto ang dalang baril nang tangkain takasan ang mga pulis na sumita sa kanya dahil sa paninigarilyo sa ipinagbabawal na lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Police Sub-Station 13 sa kahabaan ng Phase 8A, Bagong Silang, Brgy., 176, dakong alas-8:30 ng gabi nang matiyempuhan nila ang isang lalaki na nagyoyosi sa pampublikong lugar na malinaw na paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

Nang lapitan para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR), nagtangka itong tumakas subalit, nagawa rin siyang makorner ng humabol na mga pulis at dito nila napansin ang puluhan ng baril na nakausli sa kanang baywang ng suspek na si alyas “Boy”.

Kaagad kinumpiska ng mga pulis sa suspek ang dalang isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala at nang hanapan siya ng kaukulang dokumento hinggil sa legalidad ng naturang armas ay wala siyang naipakita kaya binitbit siya sa selda.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.