SA kulungan ang bagsak ng 30-anyos na lalaki nang makuhanan ng baril at shabu matapos takasan ang mga pulis na sumita sa kanya sa pag-ihi sa pampublikong lugar sa Caloocan City.
Sa ulat, nagpapatrolya ang mga pulis nang matiyempuhan ang isang lalaki na umiihi sa Kaagapay Road, Brgy. 188, dakong alas-2:30 ng madaling araw na paglabag sa umiiral na ordinansa sa lungsod.
Iisyuhan sana ng Ordinance Violation Receipt (OVR) para pagmultahin ang suspek na si alyas ‘Randy’, nang bigla itong kumaripas ng takbo na naging dahilan para habulin siya ng mga pulis.
Nang makorner, napuna ng mga pulis ang puluhan ng baril na nakasukbit sa baywang ng suspek at nang kapkapan, nakumpiska sa kanyq ang isang kalibre .38 snub-nose revolver na kargado ng apat na bala at isang plastic sachet na naglalaman ng 20-gramo ng shabu na may katumbas na halagang P136,000.
Kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority), R. A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Omnibus Election Code, at Section 11 ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isinampa laban sa suspek.
More Stories
Korte tinanggihan ang piyansa ng Bukidnon mayor sa kasong panggagahasa
‘Meteor Garden’ star na si Barbie Hsu pumanaw na, 48
PNP itinanggi ang tangkang pagpatay sa Magsasaka Party-List nominee