November 18, 2024

Kelot na may dalang baril, timbog sa Oplan Sita sa Valenzuela

SA kulungan ang bagsak ng isang rider nang mabisto ang dalang baril makaraang makipaghabulan sa mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga tauhan ni Valenzuela City Police Chief P/Col. Nixon Cayaban dakong alas-7:50 ng gabi sa harap ng bantog na botika sa Pio Valenzuela St. nang pahintuin nila ang isang rider na naka-suot ng tsinelas habang nagmomotorsiklo na labag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

Titikitan na lang sana ng mga tauhan ni Marulas Police Sub-Station (SS3) Commander P/Capt. Noelson Garcera ang pasaway na rider nang bumaba sa motorsiklo at itinulak ang mga pulis sabay kumaripas ng takbo patungong De Guia Street.

Hinabol ng mga pulis ang 28-anyos na rider na residente ng Maynila hanggang sa abutan at dito na nila natuklasan na may dala palang isang kalibre .9mm Taurus pistol na may 16 na bala sa magazine.

Nang kapkapan, nakumpiska pa sa suspek ang dalawa pang magazine na may tig-10 bala ng kalibre .9mm at nang hanapan siya ng kaukulang dokumento hinggil sa legalidad sa pagdadala ng naturang baril ay walang naipakita ang suspek na dahilan para siya arestuhin. Kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), Art. 151 ng Revised Penal Code (Disobedience to a Person in Authority), at paglabag pa sa ordinansa ang isinampa ng pulisya sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.