December 26, 2024

KELOT AT BEBOT TODAS SA PAMAMARIL SA MALABON

Personal na galit at illegal na droga ang tinitignan ng pulisya na posibleng motibo sa pagpatay sa isang lalaki at isang babae matapos pagbabarilin tatlong lalaki sa Malabon City.

Dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng mga bala sa kanilang katawan si Geraldine Atanoso, 32 ng Block 20, Lot 8, Phase 2, Area 4, Brgy. Longos at Rolando Balbas, 25, ng Vitas St., Tondo, Manila.

Sa imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy and PSSg Mardelio Osting, nasa kanto ng Hiwas at Hasa-Hasa St., Brgy. Longos dakong  alas-2:55 ng madaling araw ang mga biktima nang lapitan ng tatlong lalaki at matapos ang maikling pag-uusap ay bigla na lamang naglabas ng baril ang mga suspek saka pinagbabaril sa katawan ang mga biktima bago mabilis na nagsitakas.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, isang saksi ang kumilala sa isa mga suspek na si Jimmy Abaya, alyas “Jim-jim” 25 ng Blk 49, Alupihang Dagat St, Brgy. Longos, habang inaalam pa ang pagkakilanlan ng dalawang kasama nito.

Sinabi ni Col. Barot, si Abaya ay sangkot din sa pamamaril noong June 5, na ikinasugat ng fish vendor na si Alvin Santos, 43, sa kahabaan ng Blk 38 Phase 3, Brgy. Longos.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang apat na basyo ng bala, dalawang deformed bullet, isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, gunting at limang piraso ng P100 bill. Patuloy naman ang manhunt operation ng Malabon police kontra kay Abaya na ngayon ay itinuturing ng mga awtoridad na lubhang mapanganib na tao at sa dalawang kasama nito.