November 5, 2024

KAWATAN IPINATUBOS ANG NINAKAW NA CP SA BIKTIMA, ARESTADO

Sa kulungan ang bagsak ng isang 31-anyos na magnanakaw matapos masakote sa ikinasang entrapment operation ng pulisya nang tangkain ipatubos ang ninakaw na mobile phone at relos sa dalawang biktimang kanyang ninakawan sa Malabon city, kamakalawa ng gabi.

Hindi na nakapalag si Ronald Lamigas, walang hanapbuhay at residente ng Block 37 Lot 17, Phase 2, Area 2, Dagat-Dagatan, Navotas City nang arestuhin siya ng mga tauhan ni P/Capt. Arguillo Zoilo, hepe ng Malabon Police Sub-Station 5 matapos makipag-tipan sa kanyang mga nabiktima dakong alas-7:30 ng gabi sa isang lugar sa North Bay Boulevard South (NBBS) sa Navotas city.


Sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Julius Mabasa, pinasok ni Lamigas ang tinutuluyang bahay nina Ronnie Neulid, 25, at Wilfredo Redulme, 59 sa Block 20-B Lot 31, Phase 2 Area 4 Brgy. Longos dakong alas-4 ng madaling araw ng Miyerkules at tinangay ang mahahalagang gamit sa loob ng kanilang bag, kabilang ang mamahaling cellular phone at wrist watch.

Natuklasan ng mga biktima ang pagnanakaw nang magising na sila kaya’t inireport nila ang nangyaring pagnanakaw sa Brgy. Longos.

Dakong alas-3 ng hapon nang makatanggap ng mensahe sa kanyang mumurahing mobile phone si Redulme na hindi tinangay ng suspek at ipinatutubos ang kanyang mamahaling relos, pati na rin ang cellular phone ni Neulid.

Sumang-ayon naman ang dalawa subalit bago sila makipagkita sa suspek sa itinakda nitong lugar sa Navotas city, humingi sila ng tulong kay Capt. Zoilo na siyang nagkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakabawi sa ninakaw na relos at mobile phone.