January 23, 2025

KAWANI NG PCG ARESTADO SA ‘KOTONG’

KALABOSO ang ending ng isang Petty Officer ng Philippine Coast Guard (PCG) bunsod ng reklamo ng isang aplikanteng di umano’y kinunan ng pera kapalit ng pangakong trabaho bilang bantay-dagat.

Sa kalatas ng PCG, isang nagngangalang Petty Officer Third Class Ibrahim Banota ang sinampahan ng kasong extortion batay sa inihaing reklamo ng hindi pinangalanang job applicant.

Batay sa imbestigasyon, hiningan ni Banota ang aplikante ng P150,000 para makatiyak na makalusot sa isinasagawang malawakang recruitment ng PCG ngayong taon.

Bago pa man madakma, kinausap ni Banota (na nakatalaga sa PCG na nakabase sa Tawi-Tawi) ang aplikante noong Mayo 19 kung saan nag-alok ng tulong ang suspek sa aplikante. Subalit dahil wala pang hawak na ganun kalaking halaga, nagkasundo ang dalawa na magkita pagsapit ng Mayo 24.

Lingid sa kaalaman ni Banota na dumulog ang biktima sa lokal na pulisya na agad nagkasa ng entrapment operation sa Zamboanga City.

Hindi na nagawang pumalag ni Banota na dinakip habang tinatanggap ang pera mula sa aplikante.